News Portal Blog /This Blog Features All Trending And Hot News Around The WOrld, Viral Videos, POlitical and Community Gossips. Social MEdia Virals and Source of LAtest Viral News

Sa paghithit ko ng sigarilyo at pagdadamot sa usok na na nililikha nito ay nakakaramdam ako ng pansamantalang paghimbing sa kabilang mundo


Gabi na...

Narinig ko ang pagpalo ng matandang orasan na ika-alas dose na ng gabi. Bagaman halos nahihimbing na ang kalahati ng mundo, ang diwa ko ay gising na gising pa. Napabalikwas ako sa kama, pawisan, mabilis ang tibok ng puso. Nagtungo ako sa banyo at naghilamos. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Mugto ang mga mata, ,malalim at halatang pagal sa maghapong trabaho. Pero hindi ko talaga kayang magnakaw ng antok. Kinuha ko ang natirang yosi na nahulog sa ilalim ng kama ko. Sinindihan, ngunit hindi nagsindi ang lighter na nabili ko sa bangketa. Naubos na yata. Papaano ba naman made in china yung lighter na tig-lilimang piso lang. Kanina halos masunog ang kilay ko ng nagsindi ako ng sigarilyo, ngayon ubos na ang fluid nito. Nakakainis, kung kelan naman hayok na hayok ka sa nicotine saka pa nagloko itong bwakanang inang lighter. Tangina! Kinuha ko yung alkohol sa aparador ko. Dinukot ko ang natitirang bulak na ginamit kong panglinis ng tenga ko kanina. Binuhusan ko ng alkohol ang bulak sabay sindi ng lighter na spark na lang ang kayang ibuga. Yun, nagliyab ang bulak. Nagsindi ako ng yosi, sabay ihip sa apoy upang patayin.

Ang sarap ng bawat hithit. At ang bawat hithit ay napakalalim, halos magbaga ang buong katawan ng yosi. Tumagos hangang utak ko at nakaramdam ako ng konting pagkahilo. Grabe ang sarap. Ang sarap na parang ayaw mong pakawalan ang usok. Ang panandaliang pagkalason ng utak mo ay nagdadala ng pansamantalang paglimot. Naisip ko tuloy na sana makaimbento ang mga sayantist ng isang built-in yosi sa baga. Para sa gayon di mo na kailangang bumili ng lighter na made in china na susunog sa kilay mo. Mas ok na sa akin ito na masunog ang baga ko at tuluyang dumiretso sa puso ko. Upang sa gayon mapigilan ang pagtibok nito.

Subalit, hindi yata mangyayari ito. Ngayon pang pinaguusapan ng ilang moralistang kongresman na taasan ang buwis sa yosi. Pakingshet! Pagnagkataon pati si PNOY mapipilitang magtaas ng kanyang budget pambili ng kanyang pinakamamahal na Marlboro. Kawawa naman kaming tagatangkilik ng masamang epekto ng yosi na ito. Sa totoo lang, masakit din sa kalooban at pati sa bulsa ang napipintong pagtataas ng “sin tax”, minsan na nga lang magkaroon ng sin bubuwisan pa ito. Buti na lang sa ngayon abot-kaya pa presyo nito. Kaya ko pang samsamin ang bawat hithit nito at iturok diretso sa aking baga upang sa gayon mabilis din na hahalo ito sa aking dugo upang lasunin na ng tuluyan ang aking puso.

Minsan—siguro nga ay kadalasan—ito na lang ang nakikita kong paraan kung paano ko sisikilin ang sakit ng mga sugat ng mga nakaraang kong gyera. Sa paghithit ko ng sigarilyo at pagdadamot sa usok na na nililikha nito ay nakakaramdam ako ng pansamantalang paghimbing sa kabilang mundo ng aking malay-tao. Dito hindi ko na kailangan piliting matulog, sapagkat unang-una hindi rin ako makapagnakaw ng antok. Dito hindi ko na kailangang kumuha ng matatalas na bagay upang isaksak sa puso ko o bumili ng pagkamahal-mahal na Mr. Muscle para lang magpanggap na kaya kong maging manhid man lang pansamantala. Kapag yosi ang kasama mo sa kahabaan ng gabi, dito mararanasan mong maging manhid kahit pansamantala lang, isang matindi at mahabang hithit lang katapat niyan. Ngunit ang bawat segundo, katulad sa panaginip, ay napakatagal. Katumbas ito ng taong pagkalimot sa pait na nararamdaman.

Hithit ng malalim...

Sa pagkakataong ito, nagbalik alalaala ang kahapon. Tila isang pelikulang black and white na nag-flash back sa utak ko. Parang isang drama-serye lang ng Cinema One sa cable na ang mga nagdirek ay sila Ismael Bernal at Lino Broca. Sa saglit ng pagkakataon na iyon ng aking paghithit ay tila isang dekadang dumaan sa aking isipan. Bumalik ang mga nakaraang pagibig; ang mga sugat at pighati ng pagkabigo; ang mga kasiyahang ng muling pagibig ng walang sawa pagkatapos ng wala ding sawang pagkabigo; ang karimlang ng mga gyerang aking dinigma laban sa sariling pagkapalalo; at ang kaliwanagan ng mga ipinagwaging digmaan.

Saglit lang iyon ng aking paghithit, at saglit lang iyon na lumason sa aking isipan. Ngunit ang saglit na iyon ay nagmulat sa akin hindi ng paglason-isip kundi ang pag-asa na sa kabila ng mga hinanakit ay kaakibat pa rin pala ang kaligayahan. Isang hithit na inasam kong magpamanhid ng buo kong katawan, subalit naghatid pala ng kakaibang emosyon na ngayon ko lang nadama. Isang hithit na ninais kong pumatay sa aking pagkatao subalit ito pala ay bubuhay at magmumulat sa unti-unting nangangamatay kong pagasa.

At sa panghuling hithit ko—isang huli at napakahabang hithit—sinamsam ko na ng tuluyan ang natitirang tabako gang magbaga na rin ang filter nito. Dito sa huling hithit, nasamid ako, tila bumara ang isang malaking bato sa aking baga. Hindi ko maibuga at tila nananadya ang demonyong sakalin ang natitirang oxygen sa katawan ko at lasunin ng tarantadong nicotene. Namula at namugto ang mga ugat sa aking mata, at nagagaw-buhay ang aking ulirat...at dun nakita ko ang pagguho ng mga pangarap. Ang pagdilim ng ulap ay kasabay sa pagiyak ng dugo ng langit. Habang papalayo ako sa katotohanan, nakita ko pagtangis ng mga taong nagmamahal sa akin.

At iyon biglang nanumbalik ang paghinga ko. Pahabol na binawi ko ang nawalang oxygen sa aking utak. Idinaloy ko ang saganang luha sa aking mga mata upang linisin ang mga mutang pumupuwing sa akin. At sa pagkakataong iyon ay di ko namalayan na napaso na pala ako ng bwakanang inang yosi. Ang hapdi ng pagkapaso ay pumunit sa aking pagkatao at nagpaalala sa akin na ako pa pala ay may pakiramdam. Hindi kailanman kakayaning magpanggap na manhid sapagkat ako ay nabubuhay hindi lamang pala para sa aking sarili kundi mas nabubuhay ako para sa iba.

Tinabig ko ang ash tray na punong-puno ng upos, binuksan ko ang bintana upang lumabas ang nakakasulasok na usok. Idinungaw ko ang hubad kong katawan sa bintana at hinayaan kong huminga sa hanging aking binaliwala sa mga saglit ng aking paghithit. At sa pagkakataong ito nakaramdam ako ng kalayaan, kalayaang handang mabuhay muli at itago ang konsepto ng pagkamanhid...at isang napakalalim na kapayapaan.

“Tay, tay, ok lang po ba kayo?” isang katok ang bumasag ng pagninilay.

“Oo anak, nagyosi lang tatay mo.”

Oo nagyosi lang, at marahil ito na ang huli sapagkat sa munting tawag na iyon ng aking paslit na anak ay pumukaw sa aking puso na masarap pala ang mabuhay.

Bukas, oo bukas, hindi na muling masusunog ang kilay ko sa made in china na lighter...

FROM EDWARD LANCE/MULTIPLY* ■bobongpinoymultiply